Japanese, huli sa 'mail-order bride' modus

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2018 09:18 PM | Updated as of Jul 29 2019 12:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hinuli ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Japanese na umano'y illegal recruiter at dawit din sa pagma-match ng mga Pinay para mapangasawa ng mga Hapon o maging "mail-order bride."

Nilusob noong Martes ng mga tauhan ng NBI ang tanggapan ng suspek na si Jiro Saito, kung saan nakuha ang mga dokumento ng mga susunod na bibiyahe papuntang Japan.

Inireklamo si Saito ng isa sa mga biktima matapos itong maharang sa paliparan nang matuklasang peke pala ang dala nitong marriage certificate.

Hindi kasi nagtugma ang edad ng biktima na nakalagay sa marriage certificate at kaniyang pasaporte. 

Pinalabas umanong kasal ang biktima sa isang Japanese para mabigyan ng visa sa Japan ng grupo ni Saito.

Dati ring nagtrabaho ang biktima bilang entertainer sa Japan sa club na pag-aari ng mga kasabwat ni Saito. Kuwento niya, nasadlak siya sa prostitusyon.

Kasong paglabag sa Republic Act 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act ang isinampa laban kay Saito.

Pinaghahanap naman ang iba pa niyang kasamahan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.