Duterte, nilagdaan na ang Bangsamoro law

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2018 09:22 PM | Updated as of Jul 29 2019 12:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes na nilagdaan na niya ang panukalang Bangsamoro Organic Law (BOL), na layong palawigin ang kapangyarihan ng mga Muslim sa Mindanao na pamahalaan ang kanilang rehiyon.

Sa kaniyang talumpati sa Ipil, Zamboanga Sibugay, sinabi ng pangulo na pirmado na ang panukala pero kailangan pa ng seremonya kasama ang ilang opisyal ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) gaya nina chairman Murad Ebrahim at vice chair for political affairs Ghadzali Jaafar.

"Signed na ang BBL but I'm still going back because I have a ceremony with Jaafar and Murad," ani Duterte.

Kinumpirma ni presidential spokesperson Harry Roque ang pagpirma sa panukala. 

"This is to announce that the President has just signed the BOL into law," ani Roque.

Ang Bangsamoro law ay isa sa mga rekisito sa isang peace agreement noong 2014 sa pagitan ng gobyerno at MILF.

Ipinagkasundo ng mga senador at kongresista ang kani-kanilang bersiyon ng panukala noong nakaraang linggo sa bicameral meetings.

Inaasahan sana itong mapipirmahan ng pangulo noong Lunes, kasabay ng kaniyang ikatlong State of the Nation Address (SONA), pero nabigo ang House of Representatives na ratipikahan ang panukala.

Niratipika naman ng Senado ang panukala ilang oras bago ang SONA.

Si dating Pangulong Benigno Aquino III ang pumirma ng kasunduan kasama ng MILF pero nabigo siyang maipasa sa Kongreso ang hakbang bago matapos ang kaniyang panunungkulan noong 2016.

Naantala ang mga debate sa Kongreso ukol sa panukala matapos mapaslang ang 44 Special Action Force commandos sa isang operasyon kontra terorismo sa Mamasapano, Maguindanao noong 2015.

Ilang bahagi rin ng mga naunang bersiyon ng panukalang Bangsamoro law ang kinuwestiyon kung naaayon sa Konstitusyon.

-- May ulat ni Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.