6 na anyos, patay nang masunog ang bahay sa Misamis Oriental

Joey Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2018 08:46 PM

KINOGUITAN, Misamis Oriental—Doble dagok ang kinakaharap ngayon ng mag-asawang Jeffrey at Rosali Salvani dahil maliban sa naabo ang kanilang bahay sa bayang ito Miyerkoles ng gabi, nasawi din sa sunog ang 6 na anyos nilang bunsong anak na si Jeff Micho.

Kuwento ni Rosalie, hinintay siya ng kaniyang asawa na makauwi galing sa trabaho habang nanonood ng telebisyon sa kanilang kapitbahay.

Naiwanan naman sa kanilang bahay ang 2 sa 3 nilang anak na natutulog.

Laking gulat na lang ng mag-asawa nang humingi na ng saklolo ang kanilang panganay na anak dahil nasusunog na ang kanilang bahay.

Wala ng buhay ang kanilang bunsong anak nang madatnan ng mag-asawa.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, posibleng naiwang lampara ang sanhi ng sunog.

Mabilis ding natupok ng apoy ang bahay dahil gawa ito sa light materials.

Pero giit ni Senior Police Officer 1 Mercilyn Maing ng Kinoguitan Municipal Police Station, posibleng makasuhan ang magulang ng menor de edad na biktima dahil sa kapabayaan nito.

Muling nagpaalala ang pulis sa mga magulang na bantayan at huwag haayan, lalo na ang mga bata, na maiwan sa bahay para maiwasan ang parehong insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.