5 holdaper ng QC carwash, timbog sa tulong ng ninakaw nilang cellphone

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2018 08:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto noong gabi ng Miyerkoles ang lima sa pito umanong holdaper na nambiktima ng mga kostumer ng isang carwash sa Quezon City.

Nadampot ng pinagsamang puwersa ng Quezon City Police District (QCPD) at National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga suspek sa isang mall sa Maynila sa tulong ng locator na naka-install sa cellphone ng isa sa biktima.

Natuklasan ding pinarerentahan lang sa mga suspek ang mga gamit nilang baril.

Nakuhanan pa ng CCTV ang pagholdap ng mga nakamotorsiklong suspek sa mga kostumer ng carwash sa Banawe area bago mahuli.

Nagpaputok pa ng baril ang mga suspek nang makita ang isang pulis na noon ay nasa loob din ng carwash.

Hinabol pa ng pulis ang mga suspek, base sa CCTV footage, pero mabilis silang nakatakas.

Inamin ng mga suspek na sila rin ang nangholdap sa isa pang restoran sa Quezon City.

Pinayuhan naman ni NCRPO director Chief Superintendent Guillermo Eleazar ang mga nagmamay-ari ng cellphone na lagyan ang mga device ng app na makatutulong sa pag-track sakaling matangay.

Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa dalawa pang kasabwat ng mga suspek.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.