31 Chinese nationals, arestado sa umano’y illegal online gambling sa Muntinlupa

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2018 08:47 PM

MAYNILA—Sa kulungan ang bagsak ng 31 Chinese nationals na nasa likod umano ng ilegal na online gambling sa Muntinlupa City. 

Sa bisa ng search warrants na inilabas noong 2013, sinalakay ng mga awtoridad ang isang bahay sa Ayala Alabang village sa Muntinlupa nitong Huwebes.

Naaktuhan sa loob ang mga suspek na nag-o-operate ng kanilang online gambling gamit ang cellphones at mga computers, ayon sa National Bureau of Investigation.

Nang isailalim sa forensic examination ang mga nakumpiskang computer at iba pang electronic device, nakumpirma na ginagamit nga ang mga ito sa cybercrime activities at posible pa umanong ninanakaw ng grupo ang personal details ng mga customer nito. 

Kinasuhan na ang mga suspek ng paglabag sa Cybercrime Prevention Act, Access Devices Regulation Act, at illegal gambling in relation to Cybercrime Prevention Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.