Sekyu, bantay-salakay sa iniwang gamit sa motor

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2017 07:09 PM | Updated as of Jul 26 2017 11:01 PM

Bistado ang isang security guard sa Barangay Paligsahan, Quezon City matapos makuhanan ng CCTV ang ginawang pagnanakaw. 

Sa kuha ng CCTV, makikita ang security guard na kinilalang si Manuel Calagos na paikot-ikot sa labas ng kanyang barracks sa Scout De Guia, Quezon City.

Makailang beses din muna siyang nagmamando ng trapiko doon pero nang pumarada na ang motorsiklo ng biktimang babae, makailang beses niya itong dinaanan at tila sinipat ang motorsiklo.

Ilang sandali pa, pasimple nitong kinuha ang gamit na nakalagay sa harapan ng motorsiklo.

Pagkakuha ng gamit, pumasok ang security guard sa loob ng kanyang barracks.

Ayon sa mga opisyal ng Barangay Paligsahan, dinala si Calagos sa barangay hall sa tulong ng Quezon City Police District.

Nabawi naman kay Calagos ang mga cellphone ng biktima. Umamin din sa nagawa ang suspek.

Aniya, natukso lamang siya at hindi niya ito talaga gawain. 

Walang balak makipag-areglo ang biktima kaya sinampahan na ng kaso sa piskalya ang suspek. 

Payo naman ng kapitan ng Barangay Paligsahan, huwag agad magtiwala pagdating sa mga gamit, kahit pa may security guard. 

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.