Residential area sa Malabon nasunog sa gitna ng ulan

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2017 08:57 AM

MANILA - Nasunog ang isang residential area sa Barangay Ibaba, Malabon sa kasagsagan ng pag-ulan, Miyerkoles.

Itinaas na sa ika-5 alarma ang sunog na nagsimula sa Dulong Herrera Street, kung saan magkakadikit ang mga bahay na gawa sa light materials.

Inaapula pa rin ang sunog pasado alas-7 ng umaga.

Nahirapan naman ang mga bumbero na makapasok sa lugar dahil hindi kasya ang kanilang malalaking fire truck sa makikitid na eskinita.

Tanging maliliit na fire truck lamang ang nakapasok sa lugar, pero mabilis na nauubos ang kargang tubig ng mga ito.

Tumulong na ang mga residente sa pag-apula sa apoy. Ilan sa kanila ang sumasalok ng tubig mula sa kanal at sa baha na iniwan ng pag-ulan. -- Ulat mula kay Fred Cipres, ABS-CBN News

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.