Pamilya ng batang may hydrocephalus, humihingi ng tulong

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2017 09:19 PM

QUIRINO - Wala pang sapat na konsultasyon sa doktor ang apat na buwang sanggol na si Ronalyn Malupeng sa Barangay Rizal, Diffun, Quirino.

Ayon sa kaniyang ina na si Leonilyn Malupeng, dalawang buwang gulang si Ronalyn nang mapansin nila ang paglaki ng ulo nito, at madalas na itong nagkakasakit.

Ayon umano sa doktor, hydrocephalus ang sakit ng bata.

"Habang nagkakaedad eh imbes na 'yung katawan ang lumaki, 'yung ulo naman ang hindi mapigilan ang paglaki," ani Leonilyn.

"Hindi ko na ibinalik sa hospital kasi wala kaming pera,"dagdag pa niya.

Dahil dito, doble kayod ang mister niyang si Rogelio. Pagkatapos niyang makisaka ay deretso naman ito para maghanap ng mga gulay na pwede niyang ibenta sa mga kapitbahay.

"Ako na lang ang nagtatrabaho kasi hindi na ako matulungan ni misis kasi nakabantay siya sa anak namin," ani Rogelio.

Dahil hindi niya kaya ang gastusin, pinaalaga na rin niya ang tatlo pa niyang mga anak na ngayo'y pinapaaral din ng kaniyang kamag-anak.

Binigyan na nang pinansiyal na tulong ng lokal na pamahalaan ng Diffun ang pamilya Malupeng.

Inaayos na rin ng lokal na Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang posibleng tulong sa kanila.

Humihingi rin ng karagdagang tulong ang pamilya Malupeng upang madala sa eksperto si Ronalyn para sa agarang pagpapagamot dito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.