Lalaking nagtangkang mangikil, kalaboso sa Lipa

Fay Virrey, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 01:27 AM | Updated as of Jul 27 2017 06:15 AM

Arestado ang isang lalaki matapos magtangkang mangikil ng P7,000 at pagbantaan ang buhay ng isang babae sa Batangas, Lunes ng hapon.

Arestado si John Brian Masongsong, 19, sa isang entrapment operation na ikinasa ng Lipa City Police.

“Sabi niya siya daw ay napag-utusan lang na kuhanin ang perang ito. Hindi po kasi natin nakuha iyong cellphone mismo na nagamit sa pagtetext. Maaaring meron siyang mastermind, maaaring siya na mismo iyon, alibi niya lang iyon,” ani Police Supt. Carlos Barde, hepe ng Lipa City Police.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Masongsong na nasa kostudiya ng pulisya at sinampahan na ng kasong robbery-extortion.

Nagpaalala naman ang pulisya sa publiko na mag-ingat sa ganitong mga modus operandi.

Nananawagan din ang pulisya na makipag-ugnayan sa kanila sakaling nabiktima rin ng parehong cellphone number na ginamit sa tangkang pangingikil para makapagsampa ng kaso laban sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.