Lalaki, patay sa pananaksak sa Tondo

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 04:57 AM

Isang lalaki ang patay matapos pagsasaksakin sa Barangay 35, Zone 3, Tondo, Maynila, Miyerkules ng gabi.

Dead on arrival sa Mary Johnston Hospital ang biktimang kinilalang si Erik De Mesa, 47 anyos at residente ng lugar.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nakita diumano na may pinagtatalunan ang biktima at ang suspek na kinilalang si Romeo Constantino.

Matapos ang ilang sandali ay sinaksak ng suspek ang biktima.

Kita sa kuha ng CCTV sa lugar ang pananaksak habang papasok sila ang dalawa sa Barcelona at Sandiko streets.

Nakauwi pa diumano ng bahay ang biktima na nagtamo ng mga saksak sa tagiliran, dibdib, at mukha. Agad naman itong isinugod sa ospital ngunit hindi na umabot ng buhay.

Kwento ng ina ng biktima, posibleng selos ang motibo sa pananaksak sa kanyang anak, ngunit naniniwala ang mga residente sa lugar na napagtripan lamang ito.

Kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya ang suspek na napag-alamang kalalabas lamang sa kulungan dahil umano sa iligal na droga. -DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.