#GorioPH, may dalang ulan sa Luzon, Visayas; ilang klase, suspendido

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2017 06:38 PM | Updated as of Jul 26 2017 11:05 PM

Suspendido ang mga klase nitong Miyerkoles, Hulyo 26, dahil sa malakas na ulan dulot ng bagyong Gorio at ng hinahatak nitong hanging habagat. 

Sa pang-alas-5 ng hapon na ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), sinabi nitong pahilaga ang bagyo. 

Nitong Miyerkules ng hapon, inilagay naman sa yellow heavy rainfall warning ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna, Batangas, Pampanga, Zambales, at Tarlac. Nagbabala rin ng posibleng pagbaha sa mabababang lugar ang PAGASA.

Miyerkoles, alas-3 ng hapon, nasa 615 kilometro ang bagyong Gorio sa silangan ng Casiguran, Aurora.

Taglay ni Gorio ang lakas ng hangin na umaabot sa 75 kilometro kada oras malapit sa sentro ng bagyo, at may bugso ng hangin na umaabot nang 90 kilometro kada oras.

Sa susunod na 24 na oras, inaasahang kikilos ito patungong hilagang bahagi ng bansa sa bilis na 13 kilometro kada oras. 

Tinatayang nasa 595 kilometro ito sa silangan ng Tuguegarao City, Cagayan sa Huwebes ng umaga, at 425 kilometro sa silangan ng Basco, Batanes sa Biyernes ng umaga. 

Inaasahan namang makalalabas na ito sa Philippine area of responsibility pagsapit ng hapon ng Hulyo 31. 

Maliban sa suspensiyon sa mga klase, nagdulot din ng ilang aksidente sa kalsada ang bagyo. 

Nabuwal sa EDSA-Timog ang ilang plastic barrier ng Metro Manila Development Authority. 

Haloz zero-visibility naman ang itinuturong dahilan ng pagsalpok ng isang 22-wheeler truck sa concrete barrier sa may Commonwealth Avenue. 

Nagsuspinde rin ng pasok ang Korte Suprema ngayong Miyerkoles.

Para sa iba pang ulat panahon, bisitahin ang ABS-CBN Weather Center.

-- may ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.