Bangkay ng sundalong nasawi sa gulo sa Marawi, naiuwi na sa Isabela

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2017 06:38 PM | Updated as of Jul 26 2017 07:36 PM

 

ISABELA - Naiuwi na sa Tumauini, Isabela noong Sabado ang mga labi ng isa sa mga sundalong nasawi sa bakbakan sa pagitan ng militar at Maute Group sa Marawi City.

Iniuwi ang mga labi ni Corporal Elmer Eugenio Jr., 28 taong gulang, ng kanyang nakatatandang kapatid na si Sergeant Sialimar Eugenio.

Hindi makapaniwala ang kaniyang pamilya na malamig na bangkay na itong makakauwi sa kanila lalo't madalas nila itong kausap.

"Lagi kami nagtatawagan, nakakausap niya lahat kami. Sabi niya okay na raw doon. Medyo maayos na ang situasyon nila kaya 'di namin in-expect na ganito," ani Babylon Lagmay, tiyahin ng nasawing sundalo.

Ipinapasa-Diyos na nang pamilya ang pangyayari pero dasal nila na matapos na ang kaguluhan at wala nang iba pang madamay.

"Laking galit namin sa mga may gawa pero sana tama na," dagdag ni Lagmay.

Walong taon na sa serbisyo si Elmer at galing siya sa pamilya ng mga sundalo.

Nasawi rin noon sa digmaan ang kaniyang tiyuhin.

Nakatakda siyang ilibing sa darating na Sabado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.