'Allowance' ng MMDA enforcers mula sa paaralan, iimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2017 08:49 PM | Updated as of Jul 27 2017 12:29 AM

Iimbestigahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang limang tauhan na nakatalaga sa kahabaan ng Ortigas Avenue matapos makatanggap ng impormasyon na tumatanggap umano ng suhol ang mga ito.

Aabot sa 40 sasakyan ang tiniketan ng MMDA sa kahabaan ng Ortigas Avenue nitong Miyerkoles ng umaga dahil sa illegal parking at hindi pagsunod sa ‘no loading and unloading zone’. 

Hindi na bago ang ganitong eksena lalo na sa lugar ng La Salle Greenhills tuwing rush hour. Para sa ilan, mahirap na umanong maayos ang trapiko dahil sa mga nagpupumilit na mga driver na mag-antay at pumarada sa kalsada.

Pero ayon sa isang enforcer na nagpatago ng kanyang pagkakakilanlan, sustentado umano sila ng meal allowance kada buwan sa paaralan kaya kahit okupado na ang ilang linya, hindi na lang sila naninita.

Paliwanag pa ng enforcer, P50 kada araw ang allowance nila. Mismong ang paaralan umano ang nagbibigay ng pera kaya naman binibigyan sila ng lugar sa kalsada at hindi na hinuhuli.
    
Sa opisyal naman na pahayag na inilabas ng pamunuan ng De La Salle Greenhills, aminado sila sa pagbibigay ng meal allowances sa mga enforcers pero bilang pasasalamat lamang sa tulong ng MMDA na maibsan ang traffic sa lugar.

Depensa ng La Salle, hindi ito panunuhol sa mga MMDA enforcers para paburan ang mga naghahatid-sundo sa paaralan.

Pero ayon sa MMDA, isinailalim na sa preventive suspension ang apat na enforcer at ang kanilang hepe habang iniimbestigahan ang insidente. 

Sinabi rin ng MMDA na oobserbahan at pagbibigyan pa nila sa ngayon ang mga naghahatid-sundo sa paaralan. Puwede silang pumuwesto sa isang linya lamang ng kalsada, pero bawal tumambay at pumarada. 

Pero magsasagawa na sila ng anti-illegal parking operations sa lugar sa oras na hindi ito masunod. 

Plano na rin ng MMDA na magkasa ng operasyon kontra traffic sa iba pang eskuwelahan tulad ng Xavier School at OB Montesorri sa Greenhills, Immaculate Conception Academy sa San Juan, Saint Pedro Poveda College sa Ortigas, St. Paul College sa Pasig, at Lourdes School sa Mandaluyong.
 
-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.