2 pulis, sugatan sa ambush sa Samar

Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 02:40 AM | Updated as of Jul 27 2017 05:17 AM

SAMAR — Dalawang pulis ang sugatan matapos silang tambangan ng mga armadong lalaki sa Barangay Jia-an, bayan ng Jiabong, Samar.

Ayon kay PO1 Roan Sabanal na siyang nagmamaneho ng patrol car, galing sila sa Catarman Police Station at patungong Tacloban City. Pagdating nila sa national highway sa Barangay Jia-an, bigla na lamang may sumabog at sila ay pinaputukan.

Tinamaan ng shrapnel ang kaliwang braso ni Sabanal at sugatan din sa kanang tagiliran ang kasama nitong si PO1 John Cervantes.

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit ang PNP at mga sundalo sa lugar ng insidente.

Narekober mula sa ambush site ang mga basyo ng bala ng M16 rifle at shrapnel mula sa sumabog na IED.

Ayon sa Samar Police Provincial Office, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga armadong lalaki na agad tumakas matapos ang pananambang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.