'Bato' umalalay sa batang nadapa sa SONA

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2016 10:18 AM

MANILA - Tinulungan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Ronaldo ''Bato'' Dela Rosa ang isang batang nagtitinda ng tubig matapos itong madapa sa kasagsagan ng State of the Nation Address (SONA), Lunes.

Mahigpit ang seguridad sa paligid ng Batasang Pambansa sa Quezon City para sa SONA ni Pangulong Duterte kahapon ng umaga.

Personal na ininspeksyon ni Dela Rosa ang seguridad doon kahapon.

Habang nag-iikot siya sa Batasan Road, naagaw ang kanyang atensyon ng isang batang natangay ng gitgitan ng mga tao at nadapa.

Sa kabila ng pagiging abala, agad tinulungan ni Dela Rosa ang bata at binigyan pa ng pera.

Nakilala ng ABS-CBN News ang bata na si Sean Dennis Calabitin, walong taong gulang at nasa Grade 3.

Nagtitinda anya siya ng tubig nang madapa at nagpapasalamat siya sa ibinigay na P210 ni Dela Rosa.

Dagdag ng paslit, idolo niya ang PNP chief at gusto rin niyang magsilbi sa gobyerno paglaki. Anya,"Sundalo para i-challenge ko ang sarili ko."

Isa lang si Calabitin sa maraming batang nagtinda sa paligid ng Batasan kahapon, na sa mga murang edad ay umaasa sa pangako ng pagbabago ng Pangulo. -- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News