PatrolPH

Pagdeklara ng state of calamity pinag-aaralan sa Baco, Oriental Mindoro

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2021 04:42 PM | Updated as of Jul 25 2021 06:10 PM

Pagdeklara ng state of calamity pinag-aaralan sa Baco, Oriental Mindoro 1
Lubog sa baha ang ilang lugar sa Baco, Oriental Mindoro dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan, Hulyo 25, 2021. Dennis Datu, ABS-CBN News

Pinag-aaralan nang ideklara ang state of calamity sa bayan ng Baco, Oriental Mindoro dahil sa pinsalang dala ng mga pagbaha.

Tumaas ang tubig sa ilang lugar sa naturang bayan ngayong Linggo bunsod ng walang tigil na pag-ulan dahil sa hanging habagat.

"Bukas po ay mag-uusap kami para mag-convene para ma-assess ang total damage para po kung kinakailangan, makapag-declare po kami ng local ng state of calamity," sabi ni Baco Mayor Reynaldo Marco.

Watch more on iWantTFC

Halos P8 milyon ang halaga ng pinsala ng baha sa agrikultura at impraestruktura sa Baco habang 800 pamilya ang apektado mula sa 18 barangay.

Sa Barnaga Burbuli, hindi makapasok ang mga sasakayn dahil sa taas ng baha sa mga daan.

Dahil dito, lumusong sa baha ang mga residente at sinalubong ang mga naghahatid ng relief goods.

Sa bayan ng Paluan, Occidental Mindoro, kinabahan naman ang mga nakatira malapit sa tabingdagat kaya nagbayanihan sila.

Nagtulungan ang mga taga-Paluan sa pagsasako ng mga buhangin na kanilang ipinangharang sa malalaking alon.

May ilang bahay na rin kasing winasak ng malakas na alon dulot ng masamang panahon.

Humupa na ang baha sa Paluan, na nakaapekto sa higit 500 pamilya.

Hiling naman ng mga nakatira sa tabingdagat na magkaroon sana sila ng dike na poprotekta sa kanila.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.