PatrolPH

Nagbebenta ng 'di lisensiyadong gamot vs COVID-19, arestado sa Naga City

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2021 09:03 PM

NAGA CITY, Camarines Sur - Ilang kahon at kapsula ng hindi awtorisadong mga gamot na nakagagaling umano ng COVID-19 ang nakumpiska sa isang buy-bust operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Naga City.

Nasa 20 kahon ng Chinese traditional medicine na Lianhua Qingwen Jiaonang granule at 200 ivermectin capsules ang nakumpiska mula sa suspek habang nasa loob ng Administrative Office ng Centro Square Building sa Barangay San Francisco noong Biyernes.

Nasa P16,000 ang halaga ng nakumpiskang gamot sa 27 anyos na suspek na nagtatrabaho rin umano bilang secretary sa naturang gusali.

Ayon sa Food and Drug Administration-Bicol, walang inilalabas ang FDA na Compassionate Special Permit sa nakumpiskang mga gamot at walang lisensya para magbenta ng health products ang negosyante target ng operasyon.

Kinasuhan na ng paglabag sa FDA Act of 2009 ang suspek. 

- ulat ni Jonathan Magistrado

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.