PatrolPH

Buntis inabutan ng panganganak sa gilid ng kalsada sa Northern Samar

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2021 09:52 PM

Inabutan ng panganganak sa kalsada ang isang babae alas 5:30 ng umaga Linggo.

Nangyari ito sa barangay Cagamutan Gamay, Northern Samar.

Ayon sa Gamay Police, isang concerned citizen ang nagtungo sa istasyon ng pulisya upang humingi ng tulong na madala sa ospital ang isang babaeng nakahandusay sa kalsada. 

Agad naman itong pinuntahan ng mga personnel ng nasabing istasyon kasama ang ilang personnel ng Rural Health Unit. 

Sa kanilang pagdating sa lugar na pinangyarihan, napag-alaman nilang ang ginang na nakahandusay sa kalsada ay malapit nang manganak.
 
Agad itong nilapitan ni Police Corporal Marjorie Dy na isang police nurse upang tulungan na ligtas na mailabas ang malusog na batang lalaki.

Pagkatapos ng matagumpay na panganganak, dali-dali nila itong dinala sa pinakamalapit na clinic upang masuri ng doktor ang kalagayan ng mag-ina. 

Kasalukuyang nasa maayos na kalagayan ang mag-ina.

- ulat ni Ranulfo Docdocan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.