'Tutulong lang,' paliwanag ng PNP sa hirit na gamitin ang mga tsismoso't tsismosa sa COVID-19 contact tracing

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2020 01:35 PM

MAYNILA - Nilinaw ng tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) ang magiging papel ng mga umano'y tsismoso't tsismosa sa pagsasagawa ng contact tracing para sa mga kaso ng COVID-19, sa harap ng mga mungkahing gamitin ang kanilang nakakalap na impormasyon para dito. 

Ayon kay PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, gagamitin lang ng mga barangay ang kaalaman ng mga mahilig magkalap ng tsismis para makakuha ng impormasyon sa kung sino-sino ang mga maaaring nahawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

"Ito namang activity, basic lamang na pagtatanong sa barangay at alam niyo naman ang pangyayari sa barangay ay alam 'yan ng mga nakatira lalo na 'yung mga umpuk-umpukan na nakatira sa kanto at sa palengke, 'yung nagtitinda ng taho, sorbetes, malalaman mo kung sino ang positibo," ani Banac sa isang press briefing. 

Maaalalang nabanggit ng Police Regional Office 7 na hihingi sila ng tulong sa mga kilalang tsismoso't tsismosa sa kanilang lugar para sa contact tracing. Sa Region 7 matatagpuan ang Cebu City, na isa sa mga may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa bansa. 

Bagay ito na ikinabahala ng Commission on Human Rights na iginiit na dapat sa mga eksperto kumonsulta ang mga awtoridad. 

Ayon kay Banac, ang makakalap aniya na impormasyon ay ibibigay sa mga contact tracer, na siyang magkukumpirma ng pagkakahawa.

"Kaagad naman ito ipapasa sa contact tracers upang kumpirmahin kung talagang may validated 'yung mga ganitong tsismis. Bahagi lamang ng ating trabaho sa mga barangay lalo na sa pag-maintain sa peace and order o street crimes na nangyayari," ani Banac. 

Ayon pa kay Banac, isinasailalim naman daw sa pagsasanay ang mga kukuhaning contact tracers. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.