Dating pulis patay nang pagbabarilin habang nag-eehersisyo sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2020 08:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Patay ang isang dating pulis matapos pagbabarilin habang nag-eehersisyo sa rooftop ng kanilang bahay sa siyudad na ito noong Huwebes. 

Kinilala ang biktima na si Rolando Yulo, na dating naka-assign sa Mindanao. 

Sa inisyal na imbestigayon ng Manila Police District, nag-eehersisyo sa rooftop ng kaniyang bahay sa Malate si Yulo nang makarinig ng putok ng baril ang kaniyang mga kasama. 

Pagkarating ng mga kasamahan, may tama na umano ng bala sa ulo ang biktima. 

Sabi ng mga pulis, posibleng nanggaling sa ibang gusali ang gunman base sa anggulo ng tama ng baril. 

“Talagang pinlano. Kasi kung titingnan mo ang anggulo kung saan siya binaril, malamang pinag-aralan ang habit niya, kung ano ang oras siya andu'n sa rooftop at nag-eexercise,” ani Police Lt. Col. Carlo Manuel, chief ng MPD Public Relations Office. 

Noon na ring may nagtangkang barilin si Yulo, ayon sa pulisya. 

Tumanggi nang humarap sa media ang pamilya ng biktima pero sabi ng mga opisyal ng barangay na wala naman daw itong record na kaaway sa lugar. 

Inaalam pa ang motibo sa krimen. 

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.