Bata patay sa hit-and-run sa Davao del Sur

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2020 05:53 PM

Patay ang isang 12-taong gulang na lalaki matapos na mabundol ng SUV sa Mt. Apo Road, Barangay Buenavista sa Bansalan, Davao del Sur, Biyernes ng hapon. 

Sa inisyal na imbestigasyon ng Bansalan Municipal Police Station, patawid sa daan ang bata nang biglang mabundol ng sasakyan. 

Tumakas ang driver at hindi tumigil para tulungan ang bata. 

Naisugod pa sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City ang bata pero idineklara itong dead on arrival. 

Ayon kay Police Maj. Peter Glenn Ipong, acting chief of police ng Bansalan Municipal Police Station, nagpatulong na sila sa Land Transportation Office para makuha ang pangalan ng may-ari ng sasakyan at address nito.

May mga nakakita sa aksidente at nakuha ang plate number ng sasakyan.

Nakipag-ugnayan na rin sila sa Digos City Police para matunton ang address na ibinigay sa kanila ng LTO. 

Hihintayin ng pulisya ang kaanak ng biktima para masampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide ang driver ng sasakyan.