5 health workers kasama sa 26 bagong kaso ng COVID-19 sa Bacolod City

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2020 03:53 PM

Nasa 121 na ang bilang ng nagpositibo sa COVID-19 sa Bacolod City, base sa tala ng Department of Health sa Region 6. Martian Muyco, ABS-CBN News


BACOLOD CITY – Nasa 26 ang bilang ng bagong kaso ng coronavirus disease 2019 na naidagdag sa lungsod, base sa COVID-19 Bulletin ng Department of Health Region 6 nitong Biyernes. 

Sa kabuuan, umabot na sa 121 ang nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod kung saan 61 sa mga ito ay active cases. 

Sa tala ng City Health Office, 20 sa mga bagong COVID-19 patient ang local cases, 5 dito mga health workers at isang stranded individual. 

Ayon kay Vice Mayor El Cid Familiaran, Chairman ng Bacolod City Inter-Agency Task Force, ang health workers na nag-positibo ay nagtatrabaho sa isang pribadong ospital sa Bacolod at lahat ay na-isolate na. 

May dalawang bahay naman ang dagdag na isinailalim sa lockdown, sabi ni Familiaran. 

Isa dito ang bahay sa Ereroco, Barangay Mandalagan. Ang nakatira dito ay close contact ng isang nagpositibong health care worker. 

Isinailalim din sa lockdown ang bahay ng isang empleyado ng lungsod sa Barangay Alijis dahil nag-positibo rin ito sa COVID-19. 

Dinala na sila sa quarantine facility. 

Patuloy naman na naka-lockdown ang buong Purok Seaside sa Barangay Tangub at buong Purok Mahimulaton sa Barangay Banago sa Bacolod. 

May isinailalim din sa lockdown na 30 na bahay sa Purok Masanag sa Barangay 26, limang bahay sa Purok Riverside sa Barangay Banago at bahay ng isang nag-positibo sa Purok Paghida-et sa Barangay 29.