3 timbog sa operasyon laban sa fake money, droga sa Maynila

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2020 10:25 AM

MAYNILA - Arestado ang tatlong lalaki sa magkahiwalay na operasyon na may kinalaman sa fake money at droga sa Quiapo, Maynila nitong Biyernes.

Ayon kay Police Lt. Col. John Guiagui, hepe ng Sta. Cruz Police Station, nagkasa sila ng drug buy-bust operation laban sa isang suspek sa Quiapo, pero tiyempong may bumili ng droga dito na ang gamit pambayad ay pekeng pera.

Inaresto ng mga pulis ang dalawang lalaki at nagsagawa ng entrapment operation sa supplier ng pekeng pera.

Nahuli ang gumagawa ng pekeng pera at nasabat rin ang computer, printer at ink na ginagamit niya sa kaniyang ilegal na gawain.

Ordinaryong printer lang umano ang gamit niya pero special ang papel.

Ibinebenta niya ang mga pekeng pera sa halagang P200 bawat P1,000 na bill at P100 naman 'pag P500 na bill.

Ayon sa pulis, halata na peke ang pera sa malapitan dahil makinis ito masyado at ang security features gaya ng security fiber at seal ay dinikit lang. Pero posibleng hindi ito agad mapansin ng mga tindera kung madilim.

Makikipag-ugnayan ang Manila Police District Station 3 sa Bangko Sentral ng Pilipinas ukol sa kaso.