13 miyembro ng isang pamilya sa Bacolod, nagpositibo sa coronavirus

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2020 03:50 AM

Isang pamilya ang nagtala ng 13 kaso ng COVID-19 sa Bacolod City, na nagdulot sa pagsasailalim ng kanilang purok sa lockdown. Marty Go, ABS-CBN News

Isang pamilya ang nagtala ng 13 kaso ng COVID-19 sa Bacolod City, na nagdulot sa pagsasailalim ng kanilang purok sa lockdown nitong Biyernes.

Ayon sa chairman ng Barangay Banago na si Ricky Mijares, ang 13 na magkakamag-anak ay nagpositibo sa COVID-19 matapos mamatay ang isa nilang kamag-anak din sa naturang sakit noong nakaraang linggo.

Agad dinala ang 13 sa isang quarantine facility ng lungsod.

Nakatira sa dalawang magkatabing bahay sa Purok Mahimulaton ang pamilya, ayon kay Mijares.

Ang mga apektadong residente ng Mahimulaton ay hindi na napaghandaan ang ipinatupad na lockdown. Nasa 633 na mga bahay sa purok ang apektado.

Nakahanda naman ang barangay para sa assistance na ibibigay sa mga residenteng apektado.

Samantala, isinara na rin ang Purok Seaside sa Brgy. Tangub dahil nagpositibo rin sa COVID-19 ang ina at kapatid ng empleyado ng general services office sa lugar, na may inpeksyon din.

Nasa 40 naman na pamilya ang apektado sa purok, kasama na rito ang isang therapist na nagmasahe sa nagpositibo na employee.

Kinumpirma ni Dr. Grace Tan, spokesperson ng Bacolod Inter-Agency Task Force na tumataas ang local cases ng COVID-19 sa lungsod.

Bukas naman si Bacolod City Mayor Evelio Leonardia sa posibilidad na ibalik sa general community quarantine ang lungsod dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 pero, aniya, dapat may pahintulot ito ng National IATF.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.