Rebel returnee, presidente ng grupo ng mga magsasaka binaril sa Negros Oriental

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2019 05:51 AM

NEGROS ORIENTAL—Patay ang 2 lalaki matapos pagbabarilin ng 4 na lalaking nakamotorsiklo sa Zamboanguita, Negros Oriental Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ang mga biktima na sina Weny Alegre, isang rebel returnee, at Felimino Janayan, presidente ng United Calango Farmers Association.

Ayon kay Police Capt. Danilo Santillan, hepe ng Zamboanguita police, lumabas sa sabungan ang mga biktima at sumakay ng motorsiklo.

Pagdating nila ng Barangay Poblacion, pinagbabaril sila ng mga salarin na nakasuot ng bonnet at ball cap.

Dagdag ni Santillan, ayon sa mga nakasaksi sa insidente, sumigaw umano ang mga salarin ng "Mabuhay ang NPA!"

Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng bala ng kalibre .45 na baril at 9mm. Inaalam pa ng mga pulis ang motibo sa insidente.—Ulat ni Mark Salanga, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.