Modelong ibinidyo ang paghithit ng marijuana, timbog sa Pampanga

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2019 01:24 AM | Updated as of Jul 25 2019 06:32 AM

Watch more in iWantTFC

PAMPANGA—Arestado ang isang modelo sa buy-bust operation sa isang subdivision sa Mabalacat City, Pampanga Martes ng gabi.

Ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang operasyon laban sa 19 anyos na suspek matapos kumalat ang mga video nito na humihithit ng hinihinalang marijuana.

"Sinubaybayan na po natin ito until such time na-locate na namin 'yung kaniyang handler," ani Atty. Gil Pabilona, regional director ng PDEA-Central Luzon.

Timbog din sa operasyon ang handler at ang itinuturong supplier ng binata.

Nasamsam sa mga suspek ang 60 gramo ng hinihinalang marijuana at isang sachet ng umano'y ecstasy na may halagang P48,000.

"Ang sinusuplayan nila ng marijuana 'yung mga estudyante t'saka mga kasamahang talent niya," dagdag ni Pabilona.

Depensa naman ng modelo, hindi siya sangkot sa pagtutulak.

"I’m just a user. 'Di ko talaga magawa na mag-push ng ganun... and then 'yung paggamit ko po ng marijuana is to relieve depression," aniya.

Sasampahan ng mga reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.—Ulat ni Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.