Honor student na bibili lang sana ng tinapay, patay sa hit-and-run sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2019 05:49 AM | Updated as of Jul 25 2019 10:37 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA—Binawian ng buhay Martes ang isang dalagita na na-hit-and-run sa Malolos City, Bulacan.

Nabundol ng motorsiklo si Ann Valerie Carreon habang tumatawid sa kalsada sa Barangay Santiago Sabado ng umaga.

Tumilapon ang 14 anyos na biktima pero nilingon lang siya ng rider bago ito tumakas palayo.

Dinala sa ospital si Ann Valerie matapos magtamo ng mga sugat sa katawan pero kalauna'y na-comatose at tuluyang binawian ng buhay.

Kuwento ni Oscar na tatay ng biktima, kakasimba lang noon ng kaniyang pamilya at inutusan lang si Ann Valerie na bumili ng tinapay nang masagasaan.

"Hinihingi ko lahat ng tawad sa kaniya. 'Di ko siya naipagtanggol. Wala akong nagawa," aniya.

Bunsong anak si Ann Valerie na kilala sa palayaw na Abi at honor student sa Marcelo H. Del Pilar High School.

Ayon sa Malolos City police, tukoy na nila ang rider na nakasagasa sa biktima. 

Nakuhanan din ng closed-circuit television (CCTV) camera ang iba pang dinaanan ng rider.

Nangako naman ang Barangay Santiago na maglalagay sila ng karatula at magtatalaga ng mga magbabantay sa kalsada.—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.