BAWAL NA: Pagparada sa ilang kalsada sa Brgy. Greenhills sa San Juan, ipinagbawal

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2019 12:55 PM | Updated as of Jul 25 2019 08:13 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Pinangunahan ni San Juan Mayor Francis Zamora ang pagroronda sa kahabaan ng Club Filipino Avenue sa Barangay Greenhills, Huwebes ng umaga.

Kasabay nito, ipinaskil n'ya ang malaking “NO PARKING” sign sa ilang poste sa kalsada.

Executive Order No. 4.Lokal na gobyerno ng San Juan

Executive Order No. 4.Lokal na gobyerno ng San Juan

Alinsunod sa Executive Order No. 4 na nilagdaan ng alkalde, hindi na puwedeng pumarada sa ilang pangunahing kalsada partikular sa Club Filipino Avenue, Annapolis Street, Missouri Street, at Connecticut Street mula alas-6 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi.

Sa lahat ng mahuhuling nakaparada sa 4 na kalsada mula 6 ng umaga hanggang 9 ng gabi, maaaring ma-tow ang mga sasakyan. May multang P1,000 sa mga attended vehicles, P2,000 para sa un-attended vehicles, at P1,000 para sa obstruction.

Ayon kay Zamora, matagal nang inirereklamo ang traffic sa mga nabanggit na kalsada pero hindi ito naaksyunan ng nakaraang administrasyon.

Bagaman may ordinansa sa San Juan na nagsasabing parking zone ang mga naturang kalsada, sinapawan ito ng executive order ng alkalde.

“Binasa natin ang parking ordinance ano. The mayor has the power and authority to supersede any parking ordinance at 'yun naman ang ginawa natin. Malinaw po doon sa existing traffic and parking ordinance na ako po bilang punong lungsod ng San Juan ay may awtoridad na mag-implement ng executive order na ito,” ani Zamora.

“Bagama’t ang lungsod ng San Juan ay mawawalan nang kaunti in terms of income, sulit na sulit naman ito sapagkat 'yung ginhawa naman sa ating mga mamamayan ang mas importante. We always have to think of the greater good of the greater majority,” dagdag niya.

Watch more in iWantTFC

Nasampulan agad ang isang puting sasakyan na nakaparada sa “no parking zone." Katulong ang mga tauhan ng MMDA, binuhat at isinakay sa tow truck ang sasakyan na hindi alam kung sino ang nagmamay-ari.

Pininturahan din ng itim ang mga dating yellow road markings para ipakita na bawal na ang pagparada rito.

Ayon kay Zamora, nagbigay siya ng maagang notice sa mga establisimyento sa lugar ukol sa bagong polisiya.

Kung nasunod lang aniya ang Building Code noong mga nakaraang administrasyon, makikitang nakasaad naman na dapat may parking area ang bawat gusali rito at hindi sana nagiging sagabal sa trapiko ang street parking.

“Yung mga may establishments dito, siyempre naintindihan naman nila na kailangan natin maisip ang kapakanan ng mas nakararami. Dapat naman din sila mag-provide ng sarili nilang parking,” sabi ni Zamora.

“Disiplina lang ito eh. Minsan tayo dahil convenient ginagawa natin ang bawal. Wala tayong sasantuhin dito. Nagbigay naman tayo ng advanced notice sa mga residente. We gave them 1 week notice sa lahat ng establishments dito na starting today, July 25, we will be implementing this,” aniya.

Parte ito ng pagresponde ng lungsod sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa State of the Nation Address na bawiin ang public roads.


Nangakong tutulong ang MMDA sa San Juan. May impact umano ang ipinatupad na polisiya sa pagluwag ng trapiko sa EDSA sa bahagi ng Annapolis, ani MMDA EDSA Traffic Manager Bong Nebrija. Isa kasi ito sa mga tinuturing na “choke points” kung saan naiiipon ang mga sasakyan na galing at papuntang Greenhills.

“Annapolis is connected to EDSA. Isa 'yan sa mga critical chokepoints natin. Lahat ito nag co-contribute sa traffic to the point na nilagyan na nga namin ng barrier 'yan,” sabi ni Nebrija.

The streets in sections of Barangay Greenhills in San Juan City stand clear of parking vehicles on the day the areas were declared "No Parking Zones" from 6am to 9pm on July 25, 2019. Mark Demayo, ABS-CBN News

The streets in sections of Barangay Greenhills in San Juan City stand clear of parking vehicles on the day the areas were declared "No Parking Zones" from 6am to 9pm on July 25, 2019. Mark Demayo, ABS-CBN News

The streets in sections of Barangay Greenhills in San Juan City stand clear of parking vehicles on the day the areas were declared "No Parking Zones" from 6am to 9pm on July 25, 2019. Mark Demayo, ABS-CBN News

The streets in sections of Barangay Greenhills in San Juan City stand clear of parking vehicles on the day the areas were declared "No Parking Zones" from 6am to 9pm on July 25, 2019. Mark Demayo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.