4 timbog sa hinihinalang drug den sa Bacoor City

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2019 06:33 PM | Updated as of Jul 25 2019 07:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang 4 na tao matapos salakayin ng pulisya nitong Huwebes ang isang apartment unit sa Bacoor City, Cavite na umano'y ginagawang drug den. 

Ikinasa ang operasyon matapos ang sumbong ng mga opisyal ng 
Barangay Zapote 5 na may nagaganap na drug session sa lugar. 

Nung una ay nahirapan pang pasukin ng mga pulis ang lugar dahil masikip ang eskinita pero kalaunan ay natunton din ang mga target sa ikatlong palapag ng apartment building. 

Nakilala ang mga naaresto na sina Sherwin Gregorio, Leorilyn dela Peña, Rubincio Santianes, at Irish Garcia.

Halos 9 gramo ng shabu na may halagang P60,000 ang nakuha sa mga suspek.

Nakumpiska rin sa kanila ang isang kalibre .9mm na baril. 

Todo tanggi naman ang mga nahuli na sa kanila ang droga. 

"Sa kaibigan ko lang po 'yun sir, pinahawak lang po sa akin," depensa ni Gregorio.

"Nadamay lang po ako. Mago-grocery lang po ako tapos hinila na ako," sabi naman ni Garcia. 

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naaresto.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.