3 patay sa pagsalpok ng trak sa poste ng kuryente sa Bataan

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2019 01:07 PM | Updated as of Jul 25 2019 08:53 PM

Watch more in iWantTFC

MARIVELES, Bataan (UPDATE) — Tatlo ang patay matapos sumalpok ang isang 12-wheeler truck sa poste ng kuryente at araruhin ang katabi nitong auto-supply shop sa Barangay Mount View pasado alas-9 ng gabi Miyerkoles.

Kinilala ng Mariveles police ang mga namatay na sina Gerardo Ignacio na driver ng trak, misis nito na si Loida, at bystander na si Jasper Ungsod. 

Milagro namang nakaligtas ang 4 na taong gulang na apo nina Gerardo at Loida na kasama nila sa loob truck. Nagtamo ito ng mga sugat sa mukha, hita at braso.

Nakuhanan ng CCTV ang pagsalpok kung saan kitang sumabog pa ang mga kable ng kuryente. 

Sa lakas ng impact, nayupi ang unahang bahagi ng trak kaya nahirapan ang mga rescuer na masagip ang mga biktima.

Ayon sa may-ari ng auto-supply shop, hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng aksidente sa nasabing lugar dahil sa pakurba nitong hugis. 

"Sa daming beses na nangyari ito, this time around sana makarating sa pamunuan," ani Sherlina Querol, may-ari ng inararong establisimyento. 

Sa spot report ng Mariveles police, pagkawala ng preno ng truck ang sanhi ng disgrasya. Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. 

—Ulat nina April Rafales at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.