Shabu nakasiksik sa stuffed toys, nasamsam sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2018 07:13 PM | Updated as of Jul 07 2019 02:17 PM

Tatlo ang naaresto sa buy-bust operation ng mga pulis nitong Martes sa Bacoor City, Cavite, kung saan nasamsam din ang 47 sachet ng shabu na isinilid sa mga stuffed toy. 

Ala-una ng hapon nang sugurin ng mga tauhan ng Bacoor police ang isang tindahan sa Bacoor Public Market, at hulihin ang bantay nito at dalawang kasamang menor de edad. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa paghalughog ng mga pulis, nakuha sa loob ng tatlong teddy bear ang 47 sachet ng shabu na may bigat na hindi bababa sa 42 gramo at halagang nasa P300,000.

Sa zipper sa likod ng mga teddy bear itinago ang mga sachet ng droga na may presyo at pangalan pa ng buyer.

Dumepensa naman ang nahuling bantay at sinabing hindi niya alam na droga ang laman ng mga laruan. 

Ayon sa Bacoor police, sa isang lungsod sa Metro Manila nanggagaling ang supply ng shabu ng mga nahuling suspek. 

Ikinabahala naman ni Calabarzon police director Superintendent Edward Carranza ang bagong istilo ng pagtago at pagbenta ng droga.

Iniimbestigahan na rin ng pulisya ang mga magsisilbi sanang buyer ng mga nakumpiskang droga.
 

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.