SAPUL SA CCTV: Lalaki, pinagsasaksak sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2018 07:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sugatan ang isang lalaki matapos pagsasaksakin ng nakaalitang construction worker sa isang kainan sa Sta. Cruz, Maynila.

Labintatlong saksak ang tinamo ng biktimang si Ralph Joseph Dingke matapos siyang paghigantihan umano ng suspek na si Lemar Tuquib noong hapon ng Lunes.

Ayon sa suspek, napuno siya kay Dingke nang magkaroon sila ng girian noong Linggo sa labas ng isang computer shop.

"Ginulpi po ako tapos pinag-uuntog ako sa pader. Nagmamakaawa ako, sabi ko, 'Kuya, tama na kasi bugbog-sarado na mukha ko eh,'" sabi ni Tuquib.

Sa kuha ng mga CCTV ng Barangay 329, mapapanood na nilapitan ni Tuquib si Dingke habang nakaupo ito sa motorsiklong nakaparada sa labas ng isang kainan.

Tinapik muna ng suspek ang biktima at kinausap bago biglang sinaksak, base sa kuha ng CCTV footage.

Nagkahabulan pa ang dalawa sa loob ng kainan.

Nakita pa sa CCTV na tumakbo palabas ng kainan si Tuquib kasunod ang sugatan na si Dingke.

Hinabol si Tuquib ng mga tao sa lugar kaya agad siyang naaresto.

Kuwento naman umano ng biktima sa barangay chairman, nakainom siya nang bugbugin si Tuquib.

"Inaamin naman niyang nabugbog niya 'yong suspek," anang barangay chairman.

Sinampahan ng kasong frustrated homicide si Tuquib.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.