P6.8-milyong halaga ng droga nasabat sa Caloocan

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2018 10:55 PM

MAYNILA—Arestado ang isang umano'y dating pulis at 2 iba pa matapos mahulihan ng P6.8 milyong halaga ng hinihinalang droga sa Caloocan City nitong Miyerkoles.

Unang naaresto ang isang babaeng itinuturong courier sa Valenzuela City na nakuhaan ng 500 gramo ng shabu at P3.4 milyong buy-bust money.

Agad naman nitong itinuturo ang umano'y source ng droga at nagkasa ng follow-up operation ang mga awtoridad sa Caloocan City.

Dito naaresto ang isang umano'y dating pulis na may ranggong senior inspector at anak na kasabwat.

Nakumpiska mula sa kanila ang 500 gramo rin ng hinihinalang shabu.

Sa Malaysia pa umano nagmumula ang supply ng shabu ng mga suspek na dinadala sa Metro Manila, ayon kay PDEA-Special Enforcement Service (PDEA-SES) director Levi Ortiz.

Inaalam na ngayon ng PDEA-SES kung may malaking sindikato na may hawak sa mga naaresto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.