Mga tutol sa provincial bus ban sa EDSA, tinawag na 'makasarili'

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2018 09:14 PM | Updated as of Jul 07 2019 02:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bumuwelta si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) general manager Jojo Garcia sa mga umaalma sa planong pagbabawal sa mga provincial bus sa EDSA tuwing rush hour.

Ayon kay Garcia, hindi nakikita ng mga nambabatikos ang magandang maaaring idulot ng patakaran, na sisimulang ipatupad sa Agosto 1.

"'Yang mga nagba-bash naman, mga makasarili 'yan eh, sarili lang nila iniisip pero 'yong pangkalahatan, napakaganda ng image," sabi ni Garcia.

Target din ng MMDA na tanggalin ang higit 40 bus terminal sa EDSA na nagiging sanhi umano ng pagsikip ng trapiko.

"Kapag bumaba 'yong mga pasaherong 'yan, isang bus lang, nasa 40, 50 ang laman niyan. Isipin mo gaano kadaming sasakyan ang hihinto sa tapat ng terminal," ani Garcia.

"So tatanggalin natin 'yan," dagdag niya.

Sa pag-aaral ng MMDA, 10 porsiyento lang ng mga pasahero mula sa parehong timog at hilaga ng EDSA ang maapektuhan.

Sa ilalim ng patakaran, hindi makatatawid ang mga provincial bus sa kahabaan ng EDSA mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-10 ng umaga, at mula alas-sais ng gabi hanggang alas-10 ng gabi.

Hanggang Pasay lang pahihintulutang bumiyahe ang mga bus na magmumula sa timog ng EDSA habang hanggang Cubao na lang iyong mga galing norte.

Paglilinaw pa ni Garcia, walang alternatibong rutang ipatutupad sa mga provincial bus kapag naging epektibo ang ban.

Aniya, magkakalituhan pa sa trapiko kapag pinadaan ang mga provincial bus sa mga side street.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.