Mga taga-Marawi babantayan ang reconstruction ng lungsod

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2018 03:41 PM | Updated as of Jul 25 2018 04:38 PM

ILIGAN CITY - Inilunsad nitong Miyerkoles ang Marawi Reconstruction Conflict Watch, na binubuo ng mga residente ng naturang lungsod na apektado ng digmaan upang i-monitor ang mga bagay na maaaring maging mitsa ng panibagong gulo.

Sisimulan na sa katapusan na ng Agosto ang pag-aayos ng "Most Affected Area" sa bayan ng Marawi, kung saan nangyari ang kalakhan ng digmaan noong nakaraang taon, ayon sa Task Force Bangon Marawi.

Inilunsad nitong Miyerkoles ang Marawi Reconstruction Conflict Watch

Sa konsultasyong ginawa ng International Alert Philippines nitong nakaraang dalawang buwan, nababahala ang mga residente sa mga isyu na posibleng maging sanhi ng muling pagsiklab ng gulo habang ginagawa ang rehabilitasyon.

Kabilang sa mga isyu ang paghihiganti ng mga namatayan at nawalan ng mga ari-arian, posibleng awayan hinggil sa lupa kapag nakabalik na ang mga residente sa mga pinakaapektadong lugar, pagkadismaya ng mga residente kung hindi makatarungan para sa kanila ang halaga at paglabas ng compensation, at maaaring pagsasamantala ng mga bandido sa hinaing ng mga taga Marawi upang makapag-recruit.

Bukod sa mga apektadong residente, kasama rin sa grupong ito ang mga relihiyoso at community leaders at ilang non-government organizations.

Ayon kay International Alert Philippines adviser Francisco Lara, iuugnay rin nila ang Marawi Reconstruction Conflict Watch sa mga eksperto sa auditing, engineering, development and conflict specialists at iba pa upang magbahagi ng kanilang kaalaman at matulungan ang mga tao na lumikha ng kanilang rekomendasyon.