Mga pananim sa Occidental Mindoro napinsala ng pagbaha

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2018 01:13 PM | Updated as of Jul 25 2018 02:24 PM

Matinding pagbaha ang naranasan sa Occidental Mindoro dala ng nakaraang bagyo. PDRRMO

MAYNILA - Malaking pinsala ang idinulot ng pagbaha na dala ng hanging habagat at mga dumaang bagyo sa lalawigan ng Occidental Mindoro.

Ayon kay Mario Mulingbayan, head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), napinsala ng husto ang sektor ng agrikultura ng lalawigan.

"Tinataya sa ulat ng aming Provincial Agriculturist na nasa more than 60 percent ng agriculture sector nagkaroon ng damage," sabi ni Mulingbayan sa panayam sa Lingkod Kapamilya sa DZMM, Miyerkoles ng umaga.

Paliwanag ni Mulingbayan, totally washed out ang ilang pananim habang ang iba ay nabulok dahil na rin sa lakas ng ragasa ng tubig mula sa kabundukan.

Humupa na ang baha pero matagal-tagal pa umanong makakabangon muli ang sektor. 

Dagdag niya, maging ang mga mangingisda ay naapektuhan din ng tuloy-tuloy na pag-ulan at pagbaha.

Maaraw na rin ngayon sa lalawigan at ito ang nakikitang pagkakataon ng lokal na pamahalaan para makapag-ayos, makapag-linis o makapag-salba ng mga kagamitan ang mga residenteng binaha.

Abala rin aniya ngayon ang lahat sa pamimigay ng food packs para sa mga naapektuhang mga pamilya. Laking pasalamat din niya sa ABS-CBN Sagip Kapamilya sa agarang pagtulong sa mga residente ng bayan ng Sta. Cruz.

Bukod sa bayan ng Sta. Cruz, matindi rin ang pagbaha sa Abra de Ilog, Mamburao, Sablayan, Rizal, Calintaan, Paluan, San Jose at Magsaysay.

Apat ang naiulat na nasawi sa lalawigan dahil sa pag-ulan at pagbaha.

Watch more in iWant or TFC.tv
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.