Mga militanteng nagsunog ng effigy sa Davao City noong SONA kakasuhan

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2018 06:11 PM

DAVAO CITY — Kakasuhan ng Davao City Police ang mga militanteng nagsunog ng mga effigy noong Lunes, kasabay ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa mga awtoridad, paglabag sa Clean Air Act at Solid Waste Management Act ang pagsusunog sa mga effigy.

Kasabay ng SONA ng Pangulo, ilang grupo ang nag-rally at nagsunog ng effigy nina Duterte, Chinese President Xi Jinping at US President Donald Trump.

Matapos sitahin, sinira na lamang ang mga effigy.

Ito na ang ikalawang beses na nagsunog ang mga grupong ito ng effigy ni Duterte, na matagal na nagsilbing mayor ng lungsod. 

Nauna na rin silang kinasuhan matapos magsunog ng effigy noong Mayo 1.

Giit naman ng mga militanteng grupo, ang pagsunog sa effigy ng mga pangulo ay pagpapakita ng kanilang pagkadismaya sa kasalukuyang administrasyon.

Ayon sa kanila, bahagi rin ito ng kanilang freedom of expression.

Magsasampa ng kaso ang Sta. Ana Police laban sa mga militante ngayong Miyerkoles.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.