Laborer na nanlaban umano sa buy-bust patay

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2018 08:36 PM

Pino-proseso ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang crime scene matapos mabaril at mapatay ang suspek sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Bading sa Butuan City. Larawan mula sa Butuan City Police Station 2

BUTUAN CITY, Agusan Del Norte - Patay ang isang laborer matapos umanong manlaban sa inilatag na buy-bust operation ng Butuan City Police Station 2 sa Purok 1, Barangay Bading, Martes ng hapon.

Ayon sa pulisya, nakabili ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang nagpanggap na buyer mula kay Jomar Cuevas, 33.

Pero nang makatunog itong pulis ang katransaksiyon, agad siya umanong bumunot ng baril at nagpaputok sa operatiba.

Gumanti naman ang operatiba na nagresulta sa kaniyang pagkamatay.

Narekober sa crime scene ang buy-bust item na shabu at 5 pang pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na walong gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P94,000.

Nakuha din ng operatiba ang baril na ginamit umano ng suspek, mga bala at sling bag na may lamang pera.

Umalma naman ang pamilya ng suspek sa alegasyon ng pulis. Anila, matagal na umanong tumigil sa pagbebenta ng shabu si Cuevas at wala din daw itong baril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.