Hinihinalang tulak ng droga patay sa buy-bust sa Laguna

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2018 04:15 PM

CABUYAO, Laguna - Patay ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga nang mauwi sa engkuwentro ang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Niyugan, Miyerkoles ng madaling araw. 

Ayon kay Sr. Supt. Kirby John Kraft, hepe ng Laguna provincial police, nakatanggap sila ng ulat ukol sa pagbebenta umano ng shabu ng suspek na si Anthony Signapan.

Agad aniya silang nagkasa ng buy-bust operation pero nang nakahalata ang suspek na pulis ang kanyang katransaksiyon, pinaputukan agad nito ang operatiba. 

Dead on the spot si Signapan nang gumati ng putok ang mga pulis. Wala namang nasugatan sa mga awtoridad, at nagmintis din ang mga tira ng suspek sa operatiba. 

Narekober naman sa crime scene ang ginamit umanong submachine gun ng suspek, mga bala, isang granada, gayundin ang 7 selyadong sachet ng hinihinalang shabu.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.