Dalaw na nagtago ng kontrabando sa puwet, arestado

Aiza Marrie Layague, ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2018 10:13 AM

Nasa 20 ampules ng Nubain, isang opioid analgesic para sa pain treatment, ang nakita sa isinagawang full body search sa dalaw ng inmate sa Cebu City Jail. Nakalagay umano ang kontrando sa isang condom at itinago sa puwet ng suspek. Aiza Marrie Layague, ABS-CBN News.

CEBU CITY - Kalaboso ang isang dalaw matapos tangkaing mag-puslit ng kontrabando sa Cebu City Jail, Martes ng hapon.

Ayon kay Cebu City Jail Warden, Superintendent Renante Rubio, may natanggap silang report na may isang dalaw na may bitbit na kontrabando kaya agad silang nagsagawa ng full body search sa mga bumibisita sa mga preso.

Dito na nakita ang condom na itinago sa puwet ng suspek. Nang pinilit ipalabas, lumitaw na 20 piraso ng nubain ampules at isang opioid o pantanggal ng sakit sa katawan, sa loob ng condom.

Dagdag ni Rubio mula nang may nahuli silang tatlong babaeng dalaw na nagtangka ring magpuslit ng droga sa ari, nag-iba na ng modus ang mga durugista at mga lalaki naman ang kanilang ginagamit ngayon.

Umamin naman ang suspek na kaniya ang nakuhang ampules na ibibigay niya ‘di umano sa kaniyang mga kaibigang preso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.