5 miyembro ng robbery group, patay sa engkuwentro sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2018 07:39 AM | Updated as of Jul 07 2019 06:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

NASUGBU, Batangas (UPDATED) - Patay ang 5 miyembro ng robbery group matapos maka-engkuwentro ng mga pulis sa Palakulan, Barangay Wawa sa bayang ito, Miyerkoles ng umaga.

Patay sa engkuwentro ang magkakapatid na sina Rudy Francisco, Roland Francisco at Rico Francisco at 2 pa nilang kasamahan na kinilalang sina Arian Hernandez at isang alyas Scoth Pacia.

Nahuli rin ng awtoridad ang 2 pang suspek na sina alyas Eva at Eric.

Ang mga napatay at naarestong suspek ay pawang miyembro ng Francisco Robbery Hold-up crime group na kumikilos sa lalawigan at sangkot din sa pagtutulak ng ilegal na droga.

Batay sa inisyal na impormasyon mula kay Batangas police director Edwin Quilates, maghahain ng search warrant ang mga pulis sa pinagtataguan ng mga suspek nang bigla silang paputukan.

Gumanti ng putok ang mga pulis at nagresulta ito sa engkuwentro na ikinamatay ng 5 suspek. - Ulat nina Noel Alamar at Fay Virrey, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.