4 dawit sa 'paihi' modus sa STAR Tollway, timbog

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2018 01:06 PM

Tatlo ang arestado sa modus na "paihi" matapos nakawin ang lamang jet fuel ng isang tanker sa Southern Tagalog Arterial Road (STAR) Tollway sa may Lipa, Batangas.

Naaresto din ang isang kasamahan ng tatlo na nagtangka namang suhulan ang mga pulis para makipag-areglo.

Pasado ala-1 ng madaling araw noong Sabado nang maabutan ng mga operatiba ng special operations unit ng Calabarzon police sa expressway ang isang closed van na sinasalinan ng karga ng isang tanker truck.

Inaresto ang driver ng tanker na si Rodrigo Nepomuceno, ang kaniyang pahinanteng si Mark Ponce, at driver ng closed van na si Rodolfo Bernardo. Nakatakas naman ang isang kasabwat.

Nakuhanan din ng granada si Nepomuceno.

Ilang oras matapos dalhin sa Camp Vicente Lim ang mga suspek, dumating ang isang nagpakilalang Carlos Dungaw Jr. at nag-alok umano ng P100,000 para aregluhin ang kaso ng tatlo.

Base sa imbestigasyon, matagal na ang kalakaran ng "paihi" modus sa mga tanker truck sa STAR Tollway.

Ayon sa pulisya, ang isang container van ay kayang maglaman ng 2,000 litro ng gasolina. 

Kada tanker truck naman ay binabawasan ng mga suspek ng tinatayang 120 litro.

Umamin din ang mga suspek na naglalagay sila sa mga tauhan ng expressway.

Nakikipag-ugnayan na ang Calabarzon police sa pamunuan ng STAR Tollway at mga biktima ng modus.

Sinusubukan ng ABS-CBN News na kuhanin ang panig ng pamunuan ng STAR Tollway.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.