1 sibilyan, 1 drug suspek patay sa engkuwentro sa Antipolo

Zhander Cayabyab at Raffy Santos, ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2018 04:41 PM | Updated as of Jul 26 2018 09:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang isang sibilyan at isang drug suspek, habang sugatan ang 2 pulis sa isang engkuwentro sa Barangay Dela Paz, Antipolo City, Rizal nitong Miyerkoles. 

Nagsagawa ng Oplan Sita ang mga pulis sa 4 na lalaking gumagamit umano ng ilegal na droga subalit nagpaputok ang mga ito sa mga pulis, ayon sa ulat ni Chief Supt. Edward Carranza, director ng Police Regional Office Calabarzon.

Dito nasawi ang sibilyang si Leonardo Martinez na nataong nasa lugar, habang sugatan naman sina SPO1 Edwin Pasiona at PO2 Eric Sagun na tinamaan ng bala sa braso at binti. 

Sa follow-up operations sa Sitio Maligaya, Barangay San Isidro na pinaniniwalaang kuta ng mga suspek, napatay ng pulisya ang isang suspek na hindi pa napapangalanan. 

Arestado naman ang 6 na iba pang suspek.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.