Tricycle driver, patay sa pamamaril sa Isabela

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2017 09:55 PM

Patay ang tricycle driver na si Ritchell San Jose matapos siyang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa San Mariano, Isabela. PNP-San Mariano handout photo

SAN MARIANO, Isabela- Patay ang isang tricycle driver matapos itong pagbabarilin ng "riding-in-tandem" sa Barangay Daragutan West sa San Mariano, Isabela.

Dead on the spot ang biktimang si Ritchell San Jose, 40 matapos itong magtamo ng tama ng baril sa ulo at sa ilang bahagi ng katawan noong Linggo.

Ayon sa pulisya, nagmamaneho ng tricycle si San Jose papuntang sabungan kasama ang 2 kaibigan na sina Boycong Layugan at Bobboy Arribbay nang mag-overtake ang isang motorsiklo sakay ang 2 lalaki na pinagbabaril ang biktima.

Ligtas sina Layugan at Aribbay ngunit hindi pa nakikilala ng mga awtoridad ang mga salarin na nakatakip ang mukha nang mangyari ang krimen.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo at isang deformed slug ng caliber .45.

Paliwanag ng pulisya, drug surrenderee si San Jose pero malabong ito raw ang motibo ng krimen dahil ayon sa kanilang monitoring, nagbagong buhay na ito.

"Malabo yun illegal drug pero nagpa-blotter sya sa atin noong nakaraang buwan," ani Chief Insp. Arnold Bulan, hepe ng PNP-San Mariano, Isabela.

Tinitingnan ng pulisya ang posibilidad na maaaring ang nakasangkutang gulo ng biktima na dahilan ng kaniyang pagpapa-blotter noong nakaraang buwan ang motibo sa krimen.

Tumanggi pa ang pulisya na pangalan ang nakairingan ng biktima noong nakaraang buwan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.