Suspek sa panghahalay ng bata, nagbaril umano sa sarili

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2017 08:13 PM | Updated as of Jul 26 2017 12:13 AM

Suspek, umamin sa paggahasa, pagpatay sa bata

(2ND UPDATE) Patay matapos magbaril umano sa sarili ngayong Martes ang isang ex-convict na umamin sa pagdukot, paghalay, at pagpatay sa 8-taong gulang na batang miyembro ng pamilyang nagbigay ng trabaho sa kanya.

Nang-agaw umano ng baril ang suspek na si Larry Herrera mula sa isang tauhan ng Philippine National Police Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) sa Camp Crame.

Dinala sa PNP General Hospital ang suspek, kung saan idineklara itong dead on arrival.

Nitong Lunes, Hulyo 24, natagpuan ang labi ng biktimang si alyas "Marie" sa isang irigasyon sa Jaen, Nueva Ecija. Naka-school uniform pa ang biktima at may palatandaang sinakal bago iniwan sa tubig. 

Inaresto ng PNP-AKG at Palawan police si Herrera na namamasukang karpintero sa pamilya ng biktima. 

Hulyo 19 nang mawala si Marie matapos ihatid sa eskuwelahan sa San Mariano, Nueva Ecija.

Pero hindi nakita ng mga guro at kaklase si Marie. Sinundo umano si Marie ng isang lalaking naka-bisikleta.

Unang naging person of interest ng AKG ang 50 anyos na si Herrera.

Kataka-taka umanong biglang umuwi ang suspek sa Palawan noong Biyernes. 

Sa imbestigasyon ng PNP-AKG, ilang testigo ang nagsabing nakita nila si Herrera at Marie sa sementeryo ng San Isidro.

Nang bumalik ang awtoridad sa sementeryo, nakita ang school bag ng bata, gamit na condom, at pati resibo ng condom sa pinagbilhang drug store. 

Dahil dito, natunton ng AKG ang drug store sa Cabanatuan at narekober ang CCTV video kung saan nakitang kasama ni Herrera si Marie na bumaba sa jeep noong araw na mawala ang bata.

Kita rin sa CCTV ang pagbili ng condom ni Herrera sa botika.

Agad inaresto ng Palawan police si Herrera pagkababa niya ng barko.

Umamin siya sa nagawang krimen.

Salaysay ng suspek, pagkakuha niya kay Marie, dinala niya sa sementeryo ang bata at doon ginahasa.

Pagkatapos, dinala niya sa isang kubo ang bata, sinakal, at itinapon sa tubig.

Nakita pa ng mga awtoridad sa kubo ang pampusod sa buhok ng bata.

Napag-alamang may 14 na taong nakulong si Herrera sa Iwahig Penal Colony sa kasong qualified theft at naka-parole.

Kinupkop ng pamilya ng biktima si Herrera sa pag-aakalang magbabagong-buhay na ang ex-convict. 

Babala ng PNP-AKG, laging bantayan ng mga magulang ang mga anak sa anumang oras.

Kakasuhan ng kidnapping with rape and homicide ang suspek. -- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.