Mga residente ng Balangiga, umaasang maibabalik ng Amerika ang mga kampana

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2017 08:38 PM

SAMAR- Inaasahan na ng mga residente ng bayan ng Balangiga dito ang pagbabalik ng mga kampanang kinuha ng mga Amerikano mahigit isang siglo na ang nakakaraan matapos ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes.

Isa sa mga natuwa sa pahayag na ito ay si Eologia Abanador-Amano, apo ni Capt. Valeriano Abanador, isa sa mga lider ng mga gerilyang Pilipino na lumaban sa mga sundalong Amerikano noong Setyembre 28, 1901.

Ayon kay Amano, nabuhayan siya ng loob na maibabalik ang tatlong kampanang dinala ng mga sundalong Amerikano bilang "war booty" o tila premyo mula sa giyera. 

Kuwento umano ng kanyang lolo, ginamit ng mga gerilya ang mga kampana bilang senyales sa paglusob sa mga sundalong Amerikano.

Paninindigan ni Amano, nararapat lamang na maibalik sa bayan ng Balangiga ang mga kampana.

Dagdag pa niya, malaking selebrasyon at pasasalamat ang kanilang gagawin kung sakaling maibalik ang mga kampana.

Ayon naman sa tourism officer ng Balangiga, malaking kontribusyon sa turismo ng bayan kung maibabalik ang Balangiga bells sa kanilang bayan.

Sa darating na paggunita sa Balangiga Encounter sa buwan ng Setyembre, inaasahan rin ng mga residente na maliban kay Senate President Aquilino Pimentel III ay makadalo rin ang pangulo.

Inaasahan rin na tuluyan nang maibabalik sa Pilipinas ang mga kampana.

Ang mga kampana ay nananatili sa pangangalaga ng mga Amerikano: dalawa ay nasa Warren Air Force Base sa Wyoming habang ang isa naman ay nasa isang US military facility sa South Korea. 

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ng embahada ng Estados Unidos sa Maynila na umaasa pa rin ang US na mapag-uusapan at mareresolba ang issue.