Lalaking may nakagitgitan, pinagbabaril, patay

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2017 05:26 PM | Updated as of Jul 26 2017 01:54 AM

Patay ang isang contractor matapos pagbabarilin ng rider ng motorsiklong nakagitgitan nito sa Tanza, Cavite noong Miyerkoles. 

Dead on the spot si Santos Angeles na isang contractor matapos itong pagbabarilin sa Tanza-Trece Road, Brgy. Sanja Mayor sa Tanza, Cavite. 

Base sa imbestigasyon ng pulisya, sakay si Angeles ng kanyang motor nang makagitgitan niya ang isa pang motor. 

Alas-6:32 ng gabi ng Miyerkoles nang huminto ang mga sasakyan at nagpang-abot ang dalawa, ayon sa kuha ng CCTV.

Nagsuntukan pa sila hanggang sa bumunot na ng baril ang motorcycle rider at pinaputukan si Angeles, kuwento ng testigo. 

"Sabi ng witness, nakasabay niya 'yong dalawa. Pagewang-gewang 'yong suspek na tila nakainom. Ngayon, sinita ng biktima. Paglapit, sinapok agad ng biktima ang suspek," ayon kay PO3 Dennis Magsaysay ng Tanza Philippine National Police. 

Ilang segundo lang ang lumipas nang tumakbo papatakas ang namaril. Dumaan pa ito sa mismong tapat ng barangay hall. 

Nanawagan naman ang pamilya ni Angeles sa taong namaril na sumuko na at makinig sa konsensiya.

"Panagutan mo ang ginawa mo para parehas tayong matahimik. Alam ko, kinokonsensiya ka na rin ngayon," hinaing ni Florentino Angeles, kapatid ng biktima. 

Ipinapa-enhance na rin ng Tanza PNP ang kuha ng rider na namaril. 

Ipinaalala naman ng pulisya ang kahalagahan ng pasensiya habang nasa kalsada.

"Sana sa mga motorista natin, konting lamig. Dapat 'yong mga ganoong pangyayari, pinapalagpas na lang," payo ni Magsaysay. 

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.