Gobyerno, nagbabala laban sa pagbili ng bagong sasakyan para sa Grab, Uber

Miguel Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2017 09:50 PM

MANILA- Pinayuhan ng ilang mambabatas ang publiko na huwag munang bumili ng mga bagong sasakyang ipampapasada sa ilalim ng mga transport network companies (TNCs) na Grab o Uber.

Ayon kay Quezon City Rep. Winston Castelo, mainam na huwag munang mag-invest sa Grab o Uber dahil wala pang katiyakan kung gaano karaming sasakyan ang papahintulutan ng gobyerno na magkaroon ng mga prangkisa.

Dagdag ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board chair Martin Delgra, maaaring mabaon sa utang ang mga car owners na aasa sana sa kita mula sa Grab o Uber para mabayaran ang bagong kotse ng hulugan.

Karamihan sa mga operator ng units sa Grab at Uber ay kumuha ng mga bagong sasakyan para sa ride-sharing services.

Ayon sa mga mambabatas, patuloy na pag-aaralan kung ilang prangkisa ang dapat ibigay sa Grab at Uber lalo na't aminado ang dalawang kumpanya na bagamat mayroong nakalaang insurance para sa mga driver at pasahero, walang direktang pananagutan ang kumpanya sa mga aksidente ayon na rin sa nakasaad sa kanilang polisiya.

Kamakailan ay nagbayad ng tig-P5 milyon ang Grab at Uber bilang penalty sa pag-ooperate ng mga sasakyang hindi nabigyan ng gobyerno ng prangkisa.

Matatandaang nakatakda sanang manghuli sa Hulyo 26 ang LTFRB ng mga Grab at Uber units na hindi rehistrado, ngunit pumayag ang ahensya na magsumite muna ang dalawang kumpanya ng motion for reconsideration matapos ang pag-uusap noong nakaraang linggo.

Sa datos ng LTFRB, may 50,000 Grab at Uber units ang hindi lisensyadong pumasada.