3 foreigners na dawit sa ATM skimming, timbog sa Pampanga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2017 04:33 PM | Updated as of Jul 25 2017 04:34 PM

Tatlong dayuhan ang arestado sa San Fernando, Pampanga, Lunes, matapos mahuli sa akto na nagwi-withdraw sa isang bangko gamit ang mga pekeng ATM cards.

Sa pagresponde ng pulis, naharang ang puting Toyota Wigo na sinasakyan ng mga suspek na sina Radu Minodor Sandor, 46, na nagmula sa Nicaragua, at ang mga Romanian na sina Marcu Bogdan, 26, at Petro Ioan Uveges, 44.

Nakuha mula sa mga suspek ang mga skimming device, 152 na piraso ng ATM cloning cards, at cash na hindi bababa sa P300,000

"The foreign nationals were caught in the act withdrawing money from the ATM using several ATM cards," saad ni Chief Superintendent Aaron Aquino, regional director ng kapulisan sa Central Visayas.

Dagdag ni Aquino, sinubukan ng mga suspek na suhulan ang mga pulis ng $50,000 o P2.5 million.

"Initially, sinusuhulan tayo ng $10,000 bawat isa. Tatlo yung pulis so $30,000. Tumaas ng $50,000 or an equivalent of P2.5 million," ani Aquino.

Ang mga suspek ay haharap sa kasong kaugnay sa paglabag sa Access Device Regulation Act, E-commerce Law, at Cybercrime Prevention Act of 2012.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.