PatrolPH

Pagbabakuna sa ilang vaccine sites sa NCR sinuspinde dahil sa masamang panahon

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2021 04:23 PM

Pagbabakuna sa ilang vaccine sites sa NCR sinuspinde dahil sa masamang panahon 1
Pagbabakuna ng Janssen vaccines sa San Juan City. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File

MAYNILA—Sinuspinde ngayong Sabado ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa ilang vaccination sites sa Kamaynilaan dahil sa ulan at mga pagbaha na dala ng habagat sa ilang parte ng Luzon. 

Sa Muntinlupa, nilimitahan ang pagbabakuna sa Sucat covered court sa mga naroon na, bago kanselahin ang pagbabakuna ng araw na iyon sa nasabing vaccine site. 

 

"Dahil sa masamang lagay ng panahon, kanselado ngayong araw, July 24, ang pagbabakuna sa Sucat covered court vaccination site," anila sa pahayag. 

Sa abiso ng MunCoVac, sinabi nilang minamabuti nilang ipagpaliban muna ito para sa kaligtasan ng mga residente. Tatanggapin anila mula Lunes hanggang Miyerkoles (Hulyo 26 hanggang 28) ng alas-8 hanggang alas-12 ang mga naka-schedule sana ngayong Sabado. 

 

Sinuspinde rin ng Pasig at ng Pasay ang pagbabakuna sa kani-kanilang mga lugar. 

 

Ayon sa kanilang mga Facebook page, tatapusin lang nila ang pagbabakuna sa mga nakapunta na sa vaccination sites. 

Sabi ng Pasig PIO na makakatanggap ng text advisory ang mga apektadong residente para sa kanilang bagong schedule. Ganito rin ang abiso sa lungsod ng Pasay. 

Kanselado rin ang pagbabakuna ngayong Sabado sa Caloocan, dala ng masamang panahon at banta ng aftershocks dulot ng paglilindol nitong madaling araw. 

 

Ayon kay Caloocan Mayor Oscar Malapitan, babakunahan ang mga naroon sa vaccination site bago pa kanselahin ang pagbabakuna nitong araw na ito. 

Magpapatuloy aniya sa Lunes ang pagbabakuna para sa mga hindi makakaabot sa vaccine site na naka-schedule sana ngayon. 

"Muli pong magpapatuloy ang ating pagbabakuna kontra COVID-19 sa Lunes. Maraming salamat sa inyong pang-unawa at mag-iingat po tayo palagi," aniya sa post sa kaniyang Facebook page. — May mga ulat ni Angela Coloma, ABS-CBN News

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.